Saturday, November 11, 2006

Walang permanente, matakot ka

Walang permanente sa mundo, may ilang bagay pa rin namang sigurado rito. Tulad na lamang ng mga magulang nating nagluwal at nagpalaki sa atin, hindi man sila habangbuhay nariyan upang alagaan tayo, nakakasiguro naman tayong lagi silang nandyan upang bigyan tayo ng suporta at pagmamahal na kailangan natin. Maaaring may mga pagkukulang sila, ngunit alam naman nating hindi magbabago ang pagtingin nila sa atin hanggang sa mga huling sandali ng kanilang buhay. Halos lahat ay kasama sa ikot ng mundo, sa bawat gulong ng buhay, magulang din tayo balang araw. Dito, nakakasiguro akong gagawin mo rin ang lahat maipakita lamang sa anak mo ang kagandahan at tunay na kahulugan ng buhay.
Kapag wala kang kinatatakutan, malamang lahat tayo'y aastang mas mataas sa kung sino mang nais nating pasunurin o kaya naman utusan upang gawin ang bagay na nais natin. Sa pagtalakay ng mga makabuluhang bagay dito sa mundo, minsan na bang sumagi sa isip mo kung nais mong mangibabaw sa lahat ng tao sa paligid mo? Kung saan palaging ikaw ang bida, tinitingala at hinahangaan ng lahat? Na kung minsan pa, dahil sa sobrang kinaiinggitan ka, aabot na sa puntong kagagalitan at pabababain ka ng kapwa mo?
Pag-isipan mo ito. Hindi lahat ng magandang bagay ay nakabubuti para sa'yo. Kung minsan, mas mabuti nang katakutan mo ito upang hindi mo na ito pangarapin o gawin pa balang araw.

No comments: