Sunday, November 12, 2006

Mga Pamahiin Tuwing Tag-ulan

Isang bagay na hindi na nawawala sa ating mga Pilipino ang mga pamahiing pinamana pa sa atin ng ating mga ninuno. Nagsisilbi itong gabay sa ating pang-araw-araw na pamumuhay o kaya naman sagot sa mga hindi maipaliwanag na pangyayari. Isa itong bagay na hindi man masasabing mainam para sa atin ngunit nakapagbigay-buhay naman sa kaaya-aya nating kultura.
Sa panahon ngayon, hindi natin maiiwasang marinig ang mga pangaral ng mga nakatatanda sa paligid natin. Minsan masasabi mo pang mga gawa-gawa lamang ang mga ito o pawang kathang-isip ng ating mga ninuno. Ngunit nagsilbi naman itong sagot ng ating mga ninuno sa mga katanungan ng ating lipunan.
Ngayong tag-ulan, madalas na naman nating maririnig ang mga pamahiing inaasahan ng mga nakakatandang sundin natin para sa ating kapakanan. Ilan sa mga ito ang mga sumusunod:
  • Isang napakalakas na bagyo ang nagbabadyang dumating kapag naghugis kanal ang dalampasigan o buhangin sa tabing-dagat, kasama na ang pagkakataob ng mga kabibe at malansang amoy ng tubing dagat.
  • Kapag may handaan, maglagay ng labingdalawang dosenang itlog sa bubong upang maiwasang umulan.
  • Gamot sa bungang araw ang unang pagpatak ng ulan sa buwan ng Mayo.
  • Palatandaang hihinto na ang ulan kapag nakakita ka ng bahaghari.
  • Kapag nagsimula ang ulan sa Linggo, magiging tuluy-tuloy na ito sa buong linggo.
  • Kapag umulan habang may araw, pinapahiwatig nitong may ikinakasal na tikbalang.
  • Isang pahiwatig na magkakaroon ng maligayang samahan ang bagong kasal kapag umulan sa araw ng kanilang pag-iisang dibdib.
  • Magkakaroon ng maraming iyaking anak ang mag-asawa kapag umulan sa araw ng kanilang kasal.
  • Kapag may manok na maglalakad sa kalsada habang umuulan, hihinto ang ulan.
  • Tatamaan ng kidlat ang sinumang magpaligo sa pusa.

No comments: