Tuesday, November 07, 2006

Mga hangganan at limitasyon ng buhay

Ang pagkakaroon ng hangganan ay isang magandang katangian ng mga tao dahil ito ang humihikayat sa atin kung kailan tayo dapat na tumigil o sumuko. Ito ang tumutulong sa atin sa pag-iwas sa mas malaking kapahamakan. Isipin mo na lang kung hindi ka nakakaramdam ng sakit sa sugat na natamo mo mula sa paghihiwa, pwede itong magdulot ng tuluy-tuloy na pagdaloy ng dugo. Dahil hindi mo pinapansin, maaari kang mamatay kung mauubusan ka ng dugo sa katawan.
May limitasyon ang kakayagan ng lahat ng tao. Sumusuko tayo araw-araw sa pagod sa pamamagitan ng pagtulog. May mga pagkakataong kinakailangan nating lumihis ng pokus o konsentrasyon sa isang gawain upang maiwasan ang burn-out. May hangganan ang pagkatuto. Hindi kasinglaki ng mga kompyuter ang mga memoryang taglay natin kung kaya hindi posibleng matandaan ang lahat-lahat ng mga magaganda at masasamang bagay na nangyari sa atin simula sa pagkabata. May limitasyon ang lahat sa mundong ginagalawan natin.
Minsan, mahirap na pakiramdaman ang sarili kung nakakaramdam na tayo ng sakit ngunit mas mahirap alamin ang nararamdaman ng ibang mga tao sa paligid natin. Kailan ba natin malalaman kung nakakaramdam ng pagmamahal o pagkasakal ang mga karelasyon natin? Saan ang hangganan ng paghingi ng mga mumunting paki-usap mula sa sobrang pang-aabuso? Hanggang saan ba dapat ang limitasyon ng pang-aasar upang hindi mapikon ang ating kapwa? Kailan mo masasabing nagbibigay ka lamang ng simpleng payo at hindi simpleng brainwash?

No comments: