Iligaw mo ang iyong sarili sa kawalan. Doon mo lang maiisip na ang sapat ay kulang na, ang marami ay kakaunti na lamang at ikaw ay sinusukat sa pamantayang walang katapusan. Maraming tao ang hindi nakakapansin sa konseptong ito. Masyado na kasing binago ng mentalidad na ito ang kaisipan ng mga tao. Ang lahat ng bagay sa mundo ay may kasukatan. Ang mayaman ay nasusukat sa dami ng ari-arian. Ang matalino ay nasusukat batay sa taas ng kanyang nakukuhang marka sa pag-aaral. Ang maganda ay nakakahon na lamang sa mga numerong 36-24-36.
Masyadong marami kung iisa-isahin ang mga pamantayang sumusukat sa kung ano ang nararapat at alin ang hindi. Minsan nakakapagod isiping dapat maabot mo ang mga pamantayang ito para lang maging masaya. Ito'y nilikha ng lipunan upang iparamdam sa iyo na hindi ka perpekto. Kung sa bagay totoo nga namang hindi tayo perpekto. Pero mas maganda sigurong malaman mo iyon mula sa iyong sarili at hindi dahil iyon ang dinidikta at ipinapahatid ng lipunang iyong ginagalawan. Sayang naman kung hindi mo gagamiting ang kaisipang ibinigay sa iyo. Sayang naman kung mananatili kang isang katauhang walang pag-iisip at pagpapahalaga sa sariling kakayahan.
Ang lahat ng tao raw ay may walang katapusang pangangailangan at kagustuhan. Sakim din daw ang mga tao sapagkat mas nanaisin nito ang mas marami kaysa sa kakaunti. Ang konseptong ito ay pinag-aaralan sa Economics. Kung totoo man ang mga ito, marahil ito nga ang dahilan kung bakit hindi nakukuntento ang mga tao sa mga bagay na mayroon sila.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment