Friday, October 27, 2006

Demokrasyang Pinoy

Noong nakaraang Setyembre 21, ilang libong katao ang nagsikapit-bisig at nagsipag-aklas upang gunitain ang ika-34 anibersaryo ng deklarasyon ng martial law - matatandaan na ito ang panahon kung saan napasailalim tayo sa pamumuno ng dating diktador na si Ferdinand Marcos, panahon din sa pagsuspinde ng karapatang pantao. At dahil dito, sa pagtutulungan ng samabayanang Pilipino, sumiklab ang People Power Revolution o mas kilala bilang EDSA Revolution upang magbigay-daan sa demokrasya.
Kinikilala ang demokrasya bilang uri ng gobyerno na kung saan lahat ng mamamayan ay may karapatan sa pamumuno ng bansa. Ito ang hakbang ng mga Pilipino matapos ang sinapit na mga panahon sa kamay na bakal ng martial law. Ito rin ang istrukturang pinaniniwalaan ng nakakarami, at istrukturang perpekto sa ilan. Subalit, masasabi mo pa rin bang matatag ang demokrasyang bumabalot sa ating bansa? Sa kasalukuyan, sang-ayon ka ba sa sistema?
Sa akin lang, hindi naman ako lubusang taliwas dito ngunit may mga pagkakataon din talagang masasabi natin na mahina ang pundasyon ng demokrasya sa lipunang ginagalawan. Mga atras-abanteng polisiya, mga problemang internal na hindi matapus-tapos, ang walang tigil na korupsyon, ang pang-aabuso sa dignidad ng ilan sa mga tapat na kawani ng gobyerno - ilan lamang ang mga ito.
Kung gusto nating makamit ang maayos na pamumuhay, dapat pagtibayin ang totoong layunin ng demokrasya. Minsan kasi, nagiging panakip-butas na lamang ito sa ilan. Minsan pa, nagiging baluktot na ang pagsasakatuparan ng mga batas na nais maimplementa. At minsan, kung sino pa ang tapat sa serbisyo, iyon ang nais patumbahin ng ilan. Hindi ba't isa na lamang ang Pilipinas sa kakaunting bansang may istrukturang taglay ang ganitong klaseng pamahalaan? Sana'y huwag nating hayaang tuluyang masira ang demokrasya ng bansa. Naniniwala ako na kaya naman natin ito, basta mayroon lang iisang direksyon, iisang paningin, at iisang pangarap.

No comments: