Tuesday, October 17, 2006

Damit na Nagbabalik

Tila may hawig ang mga pananamit ng ilang kabataan ngayon sa mga porma ng mga tao noong dekada otsenta. Maraming nagsimulang maghalungkat ng mga lumang damit sa mga baul ng kanilang mga magulang at sa likod ng kanilang mga aparador upang hiramin ang mga inaalikabok na malalaking shades, makakapal na sinturon, mahahabang mga blusa at mga palamuting tulad ng 'hoop earrings', mahahabang kwintas, makakapal at malalaking mga singsing upang makamit ang nauusong 80's look. Isama pa ang 'Victorian style'(ruffles) inspired na pang-itaas sa mga kababaihan. Isa pa ang skinny jeans o mga pantalong tinatawag ding baston, idagdag na rin ang ubod na ikling mga shorts. Halina't ating buhaying muli ang mga istilo ng kasuotang akala nating permanente nang nabaon sa limot.
Mas mabuting manamit sa pamamaraang magiging komportable ka sa iyong kasuotan kaysa sumunod sa bawat dikta ng usong maaaring hindi laging komportable at minsang hindi laging bagay sa iyo.
Paano kung mapuno ang Greenbelt, Rockwell, Glorietta, Podium o iba pang malalaki at sikat na establisamiyento o mga paaralang pinamumugaran ng mga fashionista? Kung nagkataon mang hindi ka kabilang sa kanila, hindi ito nangangahulugang huli ka na talaga sa uso at isa na itong kakulangan sa iyong parte. May kanya-kanyang istilo ang lahat sa pagpapahayag ng kanilang mga sarili, maaaring iba-iba lang ng mga paraan at panlasa sa pananamit at pagdadala nito. Maaaring naghahandog ang mundo ng fashion ng pagbabagu-bagong mga uso, ngunit asahan mong babalik din ang iba sa mga ito. At sa kanilang pagbabalik, may mga kaunting pagbabago sa bawat piraso ng damit at palamuting aagaw ng atensyon ng mga tao. Nasa sa iyo na kung paano ihahayag ang iyong sarili sa pamamagitan ng fashion.

No comments: