Aminin man natin o hindi, nandyan ang mga pamantasan upang magsilbing tagapagsuplay ng mga empleyado para sa mga komersyal na kumpanya. Karamihan sa mga kakilala kong nagsipagtapos ay nakahanap na ng trabaho sa mga bangko, kumpanya ng mga kompyuter, multinasyonal na kumpanya, at mga food chain.
Oo nga't nandito tayo sa ating pamantasan para matuto, pero hindi pa rin maiaalis ang katotohanang pagkatapos nitong paghihirap, kinakailangan naman nating maghanapbuhay para sa ating sarili at sa ating pamilya sa hinaharap. Kung tutuusin, lahat naman ng ating inaaral ngayon ay napupunta lamang sa wala dahil iisang bagay lamang ang dapat nating matandaan: ang matutong mabuhay sa mundong ginagalawan.
Ngayong tapos nanaman ang isang termino, isang batch nanaman ang magsisipagtapos sa kanilang mga tungkulin bilang mag-aaral. Maswerte ang iba dahil may trabaho nang nakaabang sa kanila...lalong-lalo na ang mga nakapagtapos nang may Latin Honors. Para sa iba, magiging simula sa pagharap sa tunay nilang mundo ang paghahanap ng trabahong nababagay para sa kanila.
Sabik ka na bang malaman kung ano ang sikreto ng isang kumpanya sa pagkuha nila ng mga empleyado? Nagkaroon ako ng pagkakataong makasalamuha ang ilan sa mga opisyal ng Procter & Gamble (P&G), isang multinasyonal na kumpanya, para sa kanilang taunang diskusyon ukol sa pagpili nila ng kanilang magiging empleyado.
Hindi na pala singtradisyunal tulad ng pananaw ng ating mga magulang ang hinahanap ng isang kumpanya mula sa isang mag-aaral. Dati kasi, basta makakuha ka lamang ng mataas na grado mula sa iyong kurso, siguradong magkakaroon ka na ng maayos na trabaho. Ngayon, tinitingnan na rin nila ang naging karanasan ng isang mag-aaral bilang pinuno ng kahit anong organisasyon ng paaralan. Mahalaga na kasi para sa mga kumpanya ngayon na mayroong kakayahang magdesisyon para sa kanilang mga sarili ang mga makukuha nilang empleyado.
Ginagawa ito ng mga kumpanya dahil sa pagkuha nila ng bagong empleyado, parang nakahanap na rin sila ng mga pinunong susunod na papalit sa mga kasalukuyang lider nito. Kinakailangan nila ito upang mapanatili ang katatagan ng sarili nilang kumpanya. Hindi naman kasi bagong kompyuter o makina ang hinahanap nila, kundi mga taong marunong mag-alaga ng kanilang kumpanya.
Isa pang hinahanap ng kumpanya ngayon sa mga maaaring maging mga empleyado nito ang pagiging mature ng mga ito. Ayon nga sa isang opisyal ng P&G, dito nadedehado ang mga mag-aaral ng DLSU dahil mas maagang grumagradweyt ang mga mag-aaral nito kumpara sa ibang Pamantasan. Aniya, mayroon daw itong maaaring maging implikasyon na hindi pa handang harapin ng mga batang Lasalyano ang tunay na mundo dahil nasa isip pa rin nila ang mag-enjoy ng buhay kabataan. Makikita naman ito sa mga Lasalyanong nagbabakasyon muna ng ilang buwan hanggang taon bago maghanap ng trabaho.
Kaya kung isa kang Lasalyano, sana hindi pa huli ang lahat para sa iyo para maipakitang kayang-kaya mong makapasok sa kumpanyang nais mong pasukin. Simulan mo na ang pagsasaayos ng iyong resume sa pamamagitan ng pagsali sa mga organisasyong kinaiinteresan mo. Kung sasanayin mo ang inyong mga sariling magpakaaktibo sa isang organisasyon, magkakaroon ka ng pagkakataong maranasan ang magdesisyon para sa ikabubuti mo at ng iyong grupo. Hinahasa kasi ng mga organisasyong itong isipin ang kinabukasan ng buong grupo at hindi lamang ng sarili. Dahil dito, mas matututo rin kayong maging mature sa pagharap sa buhay.
Kung patuloy nating itataas ang bandila ng mga Lasalyano sa ganitong uri ng larangan, kinakailangan nating makibagay sa patuloy na pag-ikot at pagpapalit ng ating mundo.
Good luck sa mga nagsipagtapos ngayon at nawa'y mahanap ninyo ang trabahong babagay para sa inyo.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment