Friday, September 01, 2006

Ang drama sa likod ng buhay (Pinoy)

Naalala ko ang sinabi ng aking guro sa Araling Panlipunan noong hayskul na ang buhay ng mga Pilipino ay umiikot lamang sa PBA (Pulitika, Basketbol, Artista). Hindiako agad naniwala sa kanya sapagkat wala naman akong hilig sa mga bagay na kanyang nabanggit. Naiisip ko rin sa lagay ng panahon ngayon, wala nang oras ang mga Pilipino, lalung-lalo na ang mga mararalita na bigyan ng pansin ang PBA. Masyado na silang problemado sa kanilang buhay. Mas pipiliin pa nilang mapunan ng pagkain ang kanilang kumakalam na sikmura, makahanap ng panandaliang masisilungan o kaya naman madamitan ang kanilang hubad na katawan. Ito ang totoong realidad ng buhay Pilipino na mas dapat bigyan pansin ng mas nakakarami. Ayoko sanang sumang-ayon sa kanyang kuru-kuro, kaya't pinilit kong hanapin ang butas ng kanyang paniniwala. Ngunit ako'y nabigo, bagkus nakita kong may posible ring maging tama ang mga iyon. Hindi ako eksperto sa pagsusuri ng kulturang Pilipino, ngunit sapat na siguro ang mga napansin kong kalakarang namamayani sa ating lipunan upang pagtibayin ang pahayag ng aking butihing guro.

Pulitika
Sa kabila ng masamang imahe ng pulitika sa ating bayan, tila tanggap na ito sa ating kultura. Dahil na rin ikinakabit ang kapangyarihan sa pulitika, hindi maialis sa atin na ikabit ang ating sarili sa mga pulitiko upang kahit papaano ay makatamasa tayo ng kakaunting kapangyarihan. Kadalasan itong naisasakatuparan sa mga simpleng hakbangin. Nakakatuwang suriin ang mga bagay na ito, ngunit talagang nangyayari ito sa ating lipunan. Malimit nating iimbitahin si kongresman o kahit sinumang pulitiko upang maging ninong/ninang sa kasal o kaya naman ng mga bibinyagang anak. Umaabot pa nga sa paghingi ng mga calling card ng pulitiko sapagkat malaki ang maitutulong nito sa oras ng kagipitan. Sa probinsya naman, nagiging takbuhan ng mga tao ang mga opisyales ng kanilang lokal na pamahalaan. Kapag may patay, kasal, binyag, kaarawan at anibersaryo, kay mayor agad ang punta upang makahingi ng kakaunting tulong. Kung tutuusin, hindi naman ito masama sapagkat hindi mo naman pinipilit ang mga pulitiko na bigyan ka ng pera. Ngunit sa pagdaan ng panahon, nagiging abusado na ang mga tao. Umaasa na lamang sila sa tulong na maibibigay ng pulitiko. Nagiging abusado na ang mga tao kaya't hindi na sila nagsisikap itaguyod ang kanilang sarili. Ganyan ang pulitika sa ating bansa, marami sa atin ang gustong makisali sa larangang ito para maisulong ang pansariling kapakanan. Alam nating mangyayari ito sa ating lipunan, ngunit marami sa atin ang takot na baguhin ang pag-uugaling ito sapagkat malaki ang magiging epekto nito sa ating nakasanayan.
Basketbol
Sikat na sikat ang larong ito sa ating bansa. Sino namang Pilipino ang hindi nakakaalam kung ano ang basketbol at kung paano ito niyakap ng ating kultura. Kung tutuusin, maganda naman ang naidudulot ng larong ito sa atin sapagkat nailalayo tayo sa mga masasamang bisyo tulad na lamang ng droga. Kahit saang parte ng ating bansa, hindi mawawala ang mga laruang basketbol. Ang masama nga lamang dito ay mas inuuna itong maging proyekto ng mga pulitiko kaysa gumawa ng mga dagdag na silid-aralan, pag-ayos ng sira-sirang daanan at pagpapagawa ng mga pabahay para sa mga mararalitang Pilipino. Para sa ilang publiko, ang pagpapagawa ng isang basketball court na ipapangalan sa kanila ay animong isang matagumpay na paglilingkod-bayan. Mabuti sana kung napupunan nito ang pangangailangan ng mas nakararaming Pilipino. Hindi naman ako kontra sa mga pagpapagawa ng basketball courts. Pero sa aking palagay, mas may mga importanteng bagay na dapat pagkagastusan.
Artista
Mahilig sa mga artista ang karamihan ng mga Pilipino. Marahil epekto lamang ito ng ating ilusyong makatakas sa ating buhay. Tuwing napapanood natin ang iniidolong artista, tila nadadala tayo sa bagong mundo kung saan malaya tayong kalimutan ang ating problema. Ang masama lamang dito, kung minsan pinag-lalaruan ng medya ang emosyon ng tao. Tulad na lamang ng mga usong-uso na mga reality shows na halata namang dinagdagan lamang ng konting drama upang makaakit ng mas maraming manonood. Dahil dito, umaasa na lamang ang mga taong maaaring mangyari sa totoong buhay ang mga napapanood nila sa telebisyon o napapakinggan sa radyo. Hindi na nila pinagsisikapang abutin ang kanilang pangarap gamit-gamit ang sariling kakayahan. Marami rin sa mga artistang hinahangaan ang dapat hindi binibigyan ng pansin. Ang karamihan sa kanila ang nagiging masamang halimbawa sa mga manonood lalung-lalo sa mga kabataan. Sana matuto tayong mas maging mapanuri sa mga bagay na nakikita natin mula sa medya. Hindi ko layuning siraan ang kulturang Pilipino. Nais ko lamang suriin at alamin ang tunay na mukha ng ating lipunan. Masakit mapaso sa apoy ng realidad, mahirap aminin ang sariling kabulukan, ngunit mas pipiliin ko na iyon kaysa manatiling bulag sa katotohanan.

No comments: