"Hindi tunay na kampeon ang mga taong hindi nabibigo kundi ang mga taong hindi sumusuko..."
Maraming bagay sa ating buhay ang nais nating balikan at bawiin, pero ika nga ng isang mensahe mula sa isang kaibigan, bakit mo pagsisisihan ang isang bagay na ginawa mo, gayong ginawa mo ito dahil ito ang gusto mo. Samakatuwid, masaya ka sa nangyari. Nalalaman mong maaari kang mabigo o magtagumpay pero buong tapang kang nagpatuloy dahil ito ang sigaw ng iyong puso, ang nais mong gawin. Maaaring marami ang nagalit sa iyo, dahil para sa iba mali ang ginawa mo. Ngunit tatandaang higit na mas mahalaga ang iyong pananaw dahil ikaw ang may hawak ng iyong buhay. Kung hahayaan mo na maghari sa iyong isipan ang iba't ibang opinyon ng iyong kapaligiran, ikaw ay maguguluhan lamang. Lubos na mahirap ang magpatuloy matapos magkamit ng kabiguan sa kabila ng iyong pagsisikap. Pero di kaila sa ating ang maraming taong tinitingala ngayon na nagmula sa paghihirap at nagtagumpay bunga ng pagtitiyaga. Sa kanilang pagsisikap, marami rin silang narinig na masasakit na salita at dinanas na pagtitiis, maraming pagtatalo sa kani-kanilang mga sarili kung ano ang dapat nilang gawin at kung ano ang dapat nilang iwasan. Ngunit nanaig ang kanilang kagustuhang magtagumpay at ang takot sa Panginoong Diyos na gawin ito sa tamang paraan. Maraming tao ang hindi matanggap ang mga kabiguang dinanas nila at hindi natututo sa mga pagkakamaling ginawa nila. Sa pagod na nadarama, nagagawa nilang umasa sa mali, ika nga'y kumapit sa patalim dahil sa kawalan ng pag-asa. Ang mga ganitong tao ay mas lalo pang naghihirap, dulot ng iyong konsensya dahil sa maling nagawa at ng panganib dahil sa ikaw nga ay lumabag at nagkasala.
Sa bawat oras na magugunita mo na ang sumuko, isipin mo na lamang: Paano mo mararamdaman ang tagumpay kung hindi mo nagawang maramdaman ang kabiguan? Paano mo maikukumpara ang liwanag kung hindi mo pa nararanasan ang mapunta sa dilim? Paano mo mararamdamang ikaw ay maligaya kung hindi ka pa nakararanas ng kalungkutan? Kampeon nga bang maituturing ang isang taong lumaban ng may nalalaman kaya't nakasisigurado siyang tama ang kaniyang ginagawa? O mas maituturing na kampeon ang lumaban ng buong tapang bagamat di siya nakasisiguro sa maaring kinalabasan nito? Hindi ba't mas masarap ang pakiramdam ng natatalo ngunit lumaban ng patas kaysa nanalo ng nandaraya. Mas masarap ang pakiramdam ng nagtatagumpay dahil sa sariling paghihirap at hindi dahil sa paghihirap ng iba. Mas masarap sabihing mapalad ka kung nagbubunga ang iyong pagsisikap. Mas masarap sabihing "nanalo ako!" dahil alam mong karapat-dapat kang manalo. Bakit ka mahihiya sa lahat ng dinaranas mo, gayong ang mga bagay na ito ang magdadala sa iyo sa isang kapalarang ikabubuti mo?
Ngayon nais kong dagdagan ang mga kataga "Hindi tunay na kampeon ang mga taong hindi nabibigo kundi ang mga taong hindi sumusuko at patuloy na lumalaban ng may prinsipyo't takot sa ating Diyos"
Sa bandang huli, maiintindihan mo ang lahat ng nangyayari sa iyong buhay at masasabing masarap ang maghirap at magtiis. Ikaw, nais mo bang maging kampeon sa buhay na ito?
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment