Isang nakakaalarmang pangyayari ang naganap sa isla ng Guimaras kamakailan nang magkalat ang halos dalawang milyong litro ng langis sa karagatan nito. Napakalaking pinsala ang naidulot nito hindi lamang sa mga residente ng isla kundi na rin sa pambansang kapaligiran ng Pilipinas. Nag-iwan din ito ng marka sa pagbaba ng turismong magsisilbing malaking kawalan sa ekonomiya ng bansa.
Ang trahedya sa Guimaras Island ay isa lamang sa mga halimbawa sa kawalan ng preparasyon ng mga Pilipino pagdating sa paglunas sa mga aksidente. Hindi naman ito mangyayari kung pinag-ukulan ito ng sapat na pagtingin at panahon ang kaligtasan ng mga lalagyan ng langis na dumadaong sa dagat. Hindi inaasahang hahantong sa trahedya ang operasyon ng Petron Corporation subalit maaaring hindi lang naging maayos ang pagmementena ng barkong Solar 1. Isa itong marka ng kakulangan sa parte ng kumpanya ngunit hindi natin pwedeng sisihin lang ang Petron at ang Sunshine Maritime Development sapagkat tayo rin mismo bilang mamamayang Pilipino ay may pananagutan dito. Tila wala na tayong nagiging pakialam sa ating kapaligiran dahil mas pinapansin natin ang ating pagiging komportable sa buhay. Hindi na natin binibigyan ng halaga ang aspeto ng pag-iingat para na rin sa ating sariling kaligtasan.
Isa lang ang trahedya sa Guimaras sa napakaraming aksidenteng dulot ng kapabayaan o walang pakialam. Isa rin ito sa mga salot na hindi agad-agad na malulunasan dahil sa kakulangan sa mga kagamitan. Kung hindi pa rin tayo matuturo mula sa ating mga pagkakamali, ilang sakuna pa kaya ang dapat maranasan ng buong Pilipinas na maaaring kumitil pa ng mas maraming buhay at kabuhayan?
Upang bigyang lunas ang kaugaliang ito, dapat ay maging responsable tayong mamamayan. Sa atin nagsisimula ang pagbabago sapagkat ang tao rin naman ang nagdidikta sa maari niyang sapitin sa hinaharap. Mahalaga ring hindi makaligtaan ang mga importanteng aspeto ng anumang operasyon tulad ng mga safety precaution upang hindi humantong sa kapalpakan o panganib man.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment