"Parte ng lipunan ang sex at maituturing na ring bagay na hindi maiiwasan at likas sa bawat tao."
Umabot na ng mahigit kumulang 77 milyon ang populasyon ng Pilipinas ayon sa Census ng National Statistics Office (NSO) noong 2005. Ayon pa rin sa naturang Census, baka lumobo pa ito at umabot sa isang daang milyong katao sa susunod na labing-apat na taon. Isa sa mga itinuturing na dahilan ng hindi makontrol na sitwasyon ang kakulangan sa kaalaman at kawalan sa edukasyon sa sekswalidad.
Bilang pagtugon sa lumalalang sitwasyon, nagdesisyon ang mga kinauukulan ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) na maglabas ng kautusan sa pagtuturo ng Adolescent Reproductive Health (ARH) o mas kilala bilang "sex education" sa mga pampublikong paaralan.
NUMERO NA ANG NAGSABI
Ayon sa isang sarbey noong 2002 ng Youth Adult Fertility and Sexuality Study, 32% sa mga kabataang Pilipino na may edad mula 15 hanggang 19 ang may kaibigang babaeng may karanasan na sa sex. 38% naman ng mga kabataang may kaibigang lalaki ang nagkaroon na ng karanasan sa pakikipagtalik. Dagdag pa rito, nabuntis ang kalahati sa mga kababaihang nakipagsilahok sa sarbey pagkatapos makipagtalik at 80% sa kanila ang ipinagpapatuloy ang pagbubuntis. Kalahati rin lamang sa bilang na ito ang nagpapakasal sa mga lalaking nakabuntis sa kanila.
Batay naman sa mga pag-aaral ng University of the Philippines Population Institute, napag-alaman nilang tumataas ang bilang ng mga kabataang nagkakaroon na ng karanasan sa sex. Sa katunayan, umakyat na ito mula 18% noong 1994 hanggang 23% noong 2002. Dagdag pa nito, bumabata na rin ang edad ng mga kabataang namumulat sa sex. Batay sa isang sarbey noong 2002, 1.2% sa mga kabataan ang may karanasan na sa sex bago pa man sila maging 13 taong gulang. Bago naman maging 18 taon, 28% ng mga kalalakihan at 12% sa kababaihan ang may karanasan sa sex.
Plano ng DepEd, ating alamin
Sa artikulong Can't feign ignorance of sex ed plan nina Christian Esguerra at Alcuiin Papa ng Philippine Daily Inquirer (PDI) noong ika-3 ng Hulyo, sinabi ni Fe Hidalgo, pangalawang kalihim ng DepEd na ilagay ang konsepto ng ARH sa mga asignaturang Health, Filipino, Technology and Livelihood Education at Araling Panlipunan. Isinama ang ARH sa mga asignatura sapagkat ito ang makatutulong upang masanay ang pisikalidad at mentalidad ng mga kabataan. Dagdag pa ni Hidalgo, ituturo ang ARH sa wikang Ingles upang maiwasan ang mga salitang hindi kaaya-aya para sa mga mag-aaral.
Tutol Kami!
Naging kontrobersyal ang pagtuturo ng ARH dahil sa dami ng mga tumututol dito. Ayon kay Dr.Angelita Aguirre, pinuno ng Prolife Human Life International, tutol siya sa pagtuturo ng ARH sapagkat maselan ang ibang mga itinuturo rito partikular na sa paggamit ng condom. Ayon pa rin kay Dr.Aguirre, hindi nakasisiguro na ligtas gamitin ang condom sa pakikipagtalik. Maaari pa rin itong magdulot ng sakit tulad ng Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS) at Human Immunodeficiency Virus (HIV) na puwede nating ikamatay. Sa pagtatapos ni Aguirre, iminungkahi niya na ang mga magulang at hindi guro ang dapat magturo sa mga kabataan.
Ayon naman kay Filipina Ranada, eksperto sa Special Education, tinuligsa nito ang mga sanggunian ng ARH. Aniya, kulang ang pagtataglay ng moral na aspeto, kaya naman lumalabas na hinihikayat pa ng mga guro ang mga mag-aaral na makipagtalik.
Isip at damdamin ating palaguin
Sa kabila ng mga positibong pahayag ni Hidalgo, mariin pa ring tinututulan ng Simbahang Katoliko ang programang ito. Ani Archbishop Paciano Ancieto, tagapangulo ng Catholic Bishop Conference of the Philippines(CBCP) Episcopal Commission on Family and Life, nilalagay sa panganib ng mga guro ang moral at ispirituwal ng mga mag-aaral kapag ipinatupad ang programang ito. Dagdag pa ni Archbishop Potenciano, ipinapanukala ng simbahang responsibilidad ng mga magulang ang pagtuturo ng sex education sapagkat isa itong maselan na bahay na hindi dapat ipinauubaya sa ibang tao. Dagdag pa rito, iginiit ni Archbishop Ancieto na ang mga magulang lamang ang maaaring magturo ng sex sa paraan na makikita ito ng kabataan bilang isang sagradong bagay at hindi isang pampalipas oras lamang.
Panig ng mga guro, ating pakinggan
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Mico Dimanlig, guro sa English sa International Christian Academy(ICA)-Paranaque at nakapagkumento sa Health and Lifestyle Magazine patungkol sa "sex education", sinabi nitong masyadong mapusok ang mga kabataan sa panahon ngayon. Dagdag pa niyang hindi nila iniisip kung ano ang tama at mali, kaya nasa huli ang pagsisisi. Kaya naman, pabor siya sa pagpoproklama ng pagtuturo ng sex education sa hayskul. Sinabi pa ni Dimanlig na hindi lamang ang paaralan ang may responsibilidad sa pagtuturo ng sex education sa mga mag-aaral, kabilang din dapat ang mga magulang. Tinukoy niyang ang mga magulang ang may mas responsibilidad sa mga bata kaysa sa mga guro dahil nagbibigay lamang ng sapat na kaalaman ang mga guro sa kanilang mga mag-aaral ukol sa mga bagay na hindi pa nila alam kng tama ba ito o mali.
Sa panayam naman ng APP kay Joseph Lagasca, guro sa Music Arts and Physical Education, Health(MAPEH) sa Rondon Ernesto High School-Quezon City, sinabi niyang pabor siya sa pagpoproklama ng pagtuturo ng sex education sa hayskul. Napapansin niya sa mga kabataan na hindi nila siniseryoso at hindi nila binibigyan ng importansiya ang mga ganitong usapin. Tulad ni Dimanlig, sinabi rin ni Lagasca na ang mga magulang pa rin ang may pinakamalaking responsibilidad sa pagbibigay gabay sa kanilang mga anak patungkol sa sex education.
Huling desisyon
Pormal nang ipinahinto ang pagtuturo ng ARH noong ika-5 ng Hulyo, dahil na rin sa matinding pagtutol ng CBCP. Sa kabila nito, ipinahayag ni Hidalgo na bukas sila sa mga mungkahi upang mas maayos nila ang programa ng ARH. Subalit dapat pa rin bukasan ang ating isipan sa mga bagay na hindi pa lubusang naiintindihan. Dapat maging malawak ang pag-iisip ng bawat isa at huwag haluan ng anumang malisya ang mga bagay-bagay. Parte ng lipunan ang sex at maituturing na ring bagay na hindi maiiwasan at likas sa bawat tao.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment