Friday, August 04, 2006

Mga Pamahiin Tuwing Tag-ulan

Isang bagay na hindi na nawawala sa ating mga Pilipino ang mga pamahiing pinamana pa sa atin ng ating mga ninuno. Nagsisilbi itong gabay sa ating pang-araw-araw na pamumuhay o kaya naman sagot sa mga hindi maipaliwanag na pangyayari. Isa itong bagay na hindi man masasabing mainam para sa atin ngunit nakapagbigay-buhay naman sa kaaya-aya nating kultura.
Sa panahon ngayon, hindi na natin maiiwasang marinig ang mga pangaral ng mga nakatatanda sa paligid natin. Minsan masasabi mo pang mga gawa-gawa lamang ang mga ito o pawang kathang-isip ng ating mga ninuno. Ngunit nagsisilbi naman itong sagot ng ating mga ninuno sa mga katanungan ng ating lipunan.
Ngayong tag-ulan, madalas na naman nating maririnig ang mga pamahiing inaasahan ng mga nakakatandang sundin natin para na rin sa ating kapakanan. Ilan sa mga ito ang mga sumusunod:
  • Isang napakalakas na bagyo ang nagbabadyang dumating kapag naghugis kanal ang dalampasigan o buhangin sa tabing-dagat, kasama na ang pagkakataob ng mga kabibe at malansang amoy ng tubig dagat.
  • Kapag may handaan, maglagay ng labingdalawang dosenang itlog sa bubong upang maiwasang umulan.
  • Gamot sa bungang araw ang unang pagpatak ng ulan sa buwan ng Mayo.
  • Palatandaang hihinto na ang ulan kapag nakakita ka ng bahaghari.
  • Kapag nagsimula ang ulan sa Linggo, magiging tuluy-tuloy na ito sa buong linggo.
  • Kapag umulan habang may araw, pinapahiwatig nitong may ikinakasal na tikbalang.
  • Isang pahiwatig na magkakaroon ng maligayang samahan ang bagong kasal kapag umulan sa araw ng kanilang pag-iisang dibdib.
  • Magkakaroon ng maraming iyaking anak ang mag-asawa kapag umulan sa araw ng kanilang kasal.
  • Kung may manok na naglalakad sa kalsada habang umuulan, hihinto ang ulan.
  • Tatamaan ng kidlat ang sinumang magpapaligo sa pusa.

Namulat na tayo sa bansang nakagisnan ang mga pamahiin. Wala man tayong magagawa upang mabago ang paniniwala ng ibang tao ukol dito, huwag nating gawing biktima ang sarili sa paniniwalang walang batayan. Huwag sana tayong magpalinlang at maniwala basta basta. Maging mapanuri at mag-ingat.

No comments: