Sunday, August 06, 2006

Katuparan ng Mithiin Mula sa Bulalakaw

Tatlong-libong taon na ang nakararaan nang magulat at humanga ang mga tao sa Mesopotamia sa matingkad na guhit ng liwanag sa kalawakan. Maraming haka-haka ang bumungad sa kung ano ang kamangha-mangha at namumukod-tanging pangyayaring ito. Nagsilabasan ang mga salitang "falling stars" at "shooting stars" na ginagamit hanggang sa kasalukuyan bilang termino sa parehong pangyayari. Ngunit ayon sa siyentipikong pag-aaral, hindi mga bituin ang nahuhulog mula sa kalangitan noon sa Mesopotamia. Bulalakaw angmga ito na tinatawag na isang meteorite habang hindi pa ito nakakapasok sa isang planeta. Kapag nagkaroon ng kolisyon sa pagitan ng meteorite at ng isang planeta, bumubugso ito bilang mga nagliliyab at nagkikislapang liwanag habang hinahayaang magmistulang pag-ulan ng mga bituin ang masisilayan sa kalawakan.

Mga mito sa bulalakaw
Dahil sa hindi naman araw-araw ang pag-ulan ng mga bulalakaw sa kalawakan, samu't saring mga mito ang nagbibigay-linaw sa posibleng simula at dulot nito.
Sa Arabia, nananatili ang paniniwala na dulot ng mga anghel ang pag-ulan ng mga bulalakaw sa kalawakan. Nagmistulang mga manunudla ng panang nagliliyab ang mga anghel na pilit tinutugis ang mga masasamang engkanto na nais maghasik ng lagim at kaguluhan sa mundo.
Para sa mga katoliko sa Inglatera, luha di-umano ni St.Lawrence ang mga nakikitang pag-ulan ng mga bulalakaw sa kalawakan tuwing Agosto. Dahil ito sa kalunos-lunos na pagkamatay ni St.Lawrence nang ihawin siya gamit ang isang gilingan bilang katuparan sa utos ng hari ng isang imperya noong ika-sampu ng Agosto sa taong 258A.D.
Naniniwala naman ang mga katutubo ng Montana sa hilagang bahagi ng Amerika na senyales ng kamatayan ang pag-ulan ng mga bulalakaw sa kalawakan. Ayon sa kanila, ito ang kaluluwa ng mga yumao nilang kamag-anak na nais silang bisitahin at makapiling muli. Isang kaharian sa gitna ng Germany ang naniniwalang dulot ang pag-ulan ng mga bulalakaw ng isang dragon na nais magbabala tungkol sa lumalalang kasamaan ng bansa.

Wish ko lang!
Sa Pilipinas, madalas iugnay ang mga bulalakaw sa mga falling at shooting stars at sa kakayahan ng mga ito maisakatuparan ang isang kahilingan. Ayon kay Giannina Talon, 22, mag-aaral sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, pambihirang pagkakataon ang masaksihan ang langit kasama ang tila isang nahuhulog na bituin. Kung kaya't nauuwi ang pagkamangha sa pag-asang may kakayahan ang falling star sa kalawakang tupdiin ang isang kahilingan.
Hindi pa naman nakakasaksi si Erika Polinag, 17, AB-ISE ng falling stars, ayon sa kanya kapag dumating man ang pagkakataong makakita siya nito, katulad ng lahat ng Pilipino, tahimik din niyang ibubulong ang kanyang kahiliingan. "Hihilingin ko ang mabuting kalusugan para sa akin at sa aking pamilya at maligaya at masaganang buhay kasama ang mga taong nagmamahal sa akin. Wala namang masama kung maniniwala tayo sa falling stars bilang katuparan ng kahilingan natin sa buhay. Tayo pa rin ang magsasakatuparan ng mga ito", dagdag pa niya.

Kanya-kanyang kurukuro
"Walang makapagsasabi kung ano ang mangyayari sa hinaharap, kung kaya't humahanap ng pahiwatig at palatandaan ang mga tao sa pamamagitan ng mga pangyayari sa kanilang kapaligiran", mula kay Alexa Abrensia mula sa Psychology Department ng Pamantasan ng De La Salle Manila.
Isang likas na reaksyon ang matakot at mangamba sa mga hindi normal na mga pangyayari katulad ng pag-ulan ng mga bulalakaw. Ayon kay Abrensia, kanya-kanya ang pagtanggap sa ganitong kaganapan. Hindi rin kailangang isipin masyado ang masamang dulot nito. Sa halip mas mabuting humanap ng mga makatwirang paliwanag sa katulad na kamangha-manghang pangyayari.

No comments: