Friday, August 04, 2006

Ritwal sa Ulan?

Iba't ibang ritwal ang nakaugalian nang gawin ng mga Pilipino. Pinaniniwalaang epektibo ang mga ritwal na ito kung kaya't marami pa rin ang patuloy na nagsasagawa nito. Isang halimbawa nito na may kinalaman sa ritwal ay ang ulan. Ito ang ilan sa mga ritwal:

  • Pahingi ng ulan

Nakaugalian ng mga deboto ni St.Vincent Ferrer na ilublob ang kanyang larawan sa ilog para umulan. Ginagawa nila ito kapag ilang buwan nang hindi umuulan at kung nagsisimula nang malanta ang mga halaman.

May sariling ritwal din ang mga Igorot sa Bontoc, Mt. Province kung sakali mang kailanganin nila ang ulan. Tinatawag nila ang ritwal na ito na manerwap. Sa ritwal na ito, ilang kalalakihan ang aakyat ng Bundok Kalawitan. Pagdating nila sa isang malawak na lugar, doon sila titigil at magpapalipas ng gabi. Pinapatunog nila ang kanilang pananggalang at magsasayaw. Ang pinakamatanda sa grupo ang siyang nagsasabi ng kupya o dasal upang humiling ng ulan kay Lumawig. Si Lumawig ang kinikilala nilang anak ng Diyos na bumaba sa mundo at nagpakasal sa isang dalaga. Sunud-sunod na pagsasayaw at pag-aalay ng hayop ang kanilang gagawin kung hindi pa rin umulan.

  • Maaliwalas na Kalangitan

Dumarating din naman ang oras na sagabal para sa iba ang ulan kung kaya't nagkaroon ng iba't-ibang ritwal para mapigil ang pagbuhos nito. Tulad na lamang ng pag-aalay ng isang daang itlog sa Carmelite Sisters. May ibang tao rin ang naniniwala na epektibo ang paglalagay din ng labindalawang dosenang itlog sa bubungan sa paniniwalang hindi uulan lalo na kapag may okasyon.

  • Pasasalamat sa Ulan

Paiba-iba man ang tingin natin sa ulan, marapat lamang na magpasalamat tayo sa tubig na nagmumula sa kalangitan. Lagi natin isipin na sa bawat pagbuhos ng ulan, dala nito ang pag-asa para sa ating lahat.

No comments: