"hindi ko sinasang-ayunan ang pagsuspindi ng klase gayong lahat ng mag-aaral ay nasa loob na ng kanilang silid-aralan, basang-basa at halata ang paghihirap dahil sa kanilang pagsagupa sa bagyo."
AGOSTO na at kalagitnaan na ng taon! Kay bilis talaga ng panahon hindi ba? Marami na talagang nangyari sa lipunan na sumubok sa bawat Pilipino. Sa kabila ng mga batikos, banta at mga impeachment complaints na natatanggap ng administrasyong Arroyo, parang wala pa ring nangyayari at masasabi kong matatag pa rin ito. Ngunit, hanggang kailan kaya makatatagal si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo?
***
Panahon nanaman ng tag-ulan at sa panahong ito, kadalasang bumibisita ang mga bagyo. Tulad ng dati, ganoon pa rin ang tugon at dalangin ng bawat mag-aaral, "Sana walang pasok!" o kaya, "Masuspindi sana ang klase!" sabay pikit wari bang humihiling ng biyaya mula sa Panginoon. At kung masuspindi ang klase, tuwang-tuwa ang lahat, pagkatapos ay susugurin pa ang bagyo upang makauwi. Paulit-ulit na lang ang dalanging ito ng mga mag-aaral. Ang iba, lalo pang natutuwa habang lumalakas ang ulan at hangin sapagkat dala nito'y pagkakasuspindi ng klase. At hindi batid ng nakararami ang masamang dulot ng bagyo para sa iba basta mawalan lang ng klase.
Kamakailan lamang, ilang landslide ang nangyari sa Baguio dahil sa bagyon Florita at mangilan-ngilan din ang namatay. Bukod pa rito, makikita rin ang maraming maralitang Pilipinong tanging ginagawa ay maglagay ng lata upang saluhin ang bawat tulo mula sa butas-butas na yero upang hindi makapasok ang tubig sa kanilang munting tahanan. Ilan pang epekto ng bagyo ay pagbaha at pagkasira ng maraming istruktura na maaaring maging sanhi ng trapik at panganib. Ilan lamang ito sa mga negatibong epekto ng bagyo. Naisip mo ba ang mga ito sa bawat panalangin mong sana ay walang pasok? Sana lamang maging bukas ang ating isipan at huwag tayong maging makasarili at sarado. Tingnan natin ang lahat ng anggulo bago tayo manalangin.
***
Ang Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) ang nagdedesisyon kung sususpindihin ang klase. Isa sa mga batayan nila upang suspindihin ang klase ay ayon sa signal number ng bagyo. Sinasabing kapag signal number 1 ang bagyo, walang pasok ang mga mag-aaral sa elementarya, sa signal number 2 kasama na ang mga mag-aaral sa hayskul at sa signal number 3 pataas, lahat na ng mag-aaral sa kahit anong antas ay dinedeklarang wala ng pasok. Ngunit, masasabi pa bang angkop ang batayang ito? Isa lang ang alam ko, sinususpindi ang mga klase dahil sa bantang panganib ng panahon at upang maging ligtas ang bawat mag-aaral. At hindi ko sinasang-ayunan ang pagsuspindi ng klase gayong lahat ng mag-aaral ay nasa loob na ng kanilang silid-aralan, basang-basa at halata ang paghihirap dahil sa kanilang pagsagupa sa bagyo. Siguro, hindi ko lang makita ang kanilang punto dahil sa paghihirap na nararanasan ko sa pagpasok tuwing bumabagyo. Pakiramdam ko kasi marami ang nasasayang, kabilang na rito ang pera para sa pamasahe, pagod at oras. Pero ang hindi ko talaga maintindihan ay ang pabago-bagong desisyong ginagawa ng DedEd at CHED, noong Miyerkules(ika-12 ng Hulyo) nakinig ako ng radyo, naghihintay sa anunsyo ng CHED, maliwanag na sinabing mayroong pasok kaya ito naman ako, dali-daling gumayak upang pumasok, bago mag-12 ng tanghali, bigla na lang sinuspindi ang klase. Sana lang mapanindigan nila ang kanilang mga pahayag dahil marami ang naaapektuhan sa desisyon nila. At sana pagnilayan muna nila ng mabuti at mabilis ang kanilang desisyon bago magbigay ng pahayag sa publiko.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment