Gumuhong gusali, nagkalat na mga sugatan, masangsang na amoy, mga hikbi at paghingi ng tulong ng mga tao:ganito ang eksena sa Hyatt Hotel nang maganap ang lindol noong ika-16 ng Hulyo, 1990. May lakas itong 7.8 magnitude at naitalang pinakamadugong lindol na naramdaman sa buong Luzon, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHILVOCS).
Sa kasalukuyan, marami ang nababahalang maaaring maulit ang malalakas na lindol sa Pilipinas dahil sa mga pagyanig na naganap sa mga kalapit na bansa tulad na lamang ng lindol sa Indonesia at sa ibang kalapit nitong bansa na sinundan pa ng tsunami noong ika-26 ng Disyembre, 2004. Sa trahedyang ito, may naitalang 275,000 na nabiktima mula sa Indonesia, Sri Lanka, India at Thailand. Sa oras na mangyari ito sa Pilipinas, marami ang mawawalan ng kabahayan at marami ang masisirang kabuhayan. Kaya naman napakaimportanteng paghandaan ang lindol. Nang kapanayamin ko si Mylene Villegas, Chief Science Specialist ng PHILVOCS, sinabi nitong nasa rehiyon ng lindol ang kinalalagyan ng ating bansa. Kaya naman, binibigyang tugon ito ng pamahalaan na ipaalam sa mga mamamayan ang mga kinakailangang gawin sa oras na magkalindol.
EARTHQUAKE DRILL PARA SA KALIGTASAN
Isa sa pamamaraan ng pamahalaan ang pagsasagawa ng earthquake drills upang maiwasan ang anumang aksidente tuwing may lindol. Noong ika-18 ng Hunyo, naganap ang malawakang earthquake drill sa Pilipinas. Pinangunahan ito ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo(PGMA) sa Sta.Elena High School. Dinaluhan ang nasabing earthquake drill ng humigit kumulang isang milyong mag-aaral at 40,000 mga guro sa iba't ibang pampublikong paaralan. Sa isang artikulong nalathala noong ika-19 ng Hunyo, 2006, nasabi ni PGMA na mahalaga ang earthquake drill dahil mabilis masira ng lindol ang halos lahat ng paaralan sa Pilipinas. Napapalibutan ang bansa ng maraming "faults" o ang patlang o basag sa tuluy-tuloy na porma na bato, ayon kay PGMA.
Maaaring bumawi ng maraming buhay at sumira ng kabuhayan ng mga Pilipino ang isang malakas na lindol. Bunsod nito, naglunsad ang PHILVOCS ng mga programang may kinalaman sa earthquake drill sa iba't ibang bahagi ng bansa. Kasama rito ang pagkakalat ng mga impormasyong kinakailangang gawin tuwing may lindol.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment