Saturday, December 02, 2006

Para sa'yo

"Para sa'yo, ang laban na to" - ang linyang namayagpag at napakinggan ng mundo noong Nobyembre 19. Parte ito sa kanta ni Manny 'Pacman' Pacquiao na nagwagi kamakailan laban kay Erik Morales. Bilib ako kay Manny, 'di lang sa bilis at lakas ng kanyang kamao o sa popularidad nito sa mundo ng boxing kundi sa katatagan ng tibay ng loob. Isa rin akong mandirigma sa mundo ng palakasan. Naranasan ko nang lumuhod sa pagod, matalo at manalo. Ngunit, higit na masarap ang pakiramdam kung sa kabila ng inaasam na ginto ay ang pag-alay ng iyong laban sa iba.
Sa ngayon, tuloy pa rin ang laban ko, ngunit sa kabilang antas ng buhay naman. Ang lumaban para sa bayan, ang pagbibigay buhay sa kapwa; 'di ba't dakila kung tutuusin?
Sa takbo ng buhay ngayon, nagkalat na ang iba't ibang klaseng sakuna ng lipunan. Nariyan ang 'crab mentality' at korupsyon, mga krimen gaya ng nakawan at patayan, walang humpay na bangayan sa iba't ibang antas ng lipunan, at kung anu-ano pa. At dahil dito, unti-unti nang nababago ang kalooban ng isang tao. Sa madaling salita, nais kong bigyan-diin 'di lamang ang tagumpay ni Manny kundi ang isa sa mga aspetong humuhubog sa atin, ang pagbibigay ng pag-asa para sa kapwa.

No comments: