Tila naging ghost town na naman ang buong Pilipinas noong nakaraang tatlong linggo, Nobyembre 19. Parang dumaan na naman ang bagyong Milenyo sa bansa. At kasing lakas ng pagbagsak ng mga billboards ang pagkatumba ni El Terrible sa mga suntok ni Manny Pacquiao. Kinagabihan, walang laman ang mga programang pambalita kundi puro laban lang ni Manny Pacquiao. Magmula simula hanggang pagtatapos, hindi mo na mabibilang kung ilang beses binanggit ang pangalan ng boksingero sa programa.
Mapapansing parang nawala ang problema ng Pilipinas sa araw na iyon. Wala na yung mga balitang tungkol sa pagnanakaw, patayan o mga pulitikong walang ginawa kundi magpapogi lalo na't papalapit na ang eleksyon. Kaya iniisip ko na lang minsan na parang may template na yatang sinusunod ang mga programang pambalita. Ayon sa pagkasunud-sunod ng mga balita: pulitika, patayan, nakawan, panlabas, showbiz, panahon at hindi mawawala ang segment ni Marc Logan o Love Anover. Pero syempre, meron din palang substitute template ang mga balita sa telebisyon. Magmula pulitika hanggang showbiz, pwede rin pala maging Manny Pacquiao-themed ang balita.
Sa kabilang banda, sana ganito na lang palagi sa Pilipinas. Tahimik. Pero, hindi naman yung nakabuka ang bibig at nakatunganga na lang sa telebisyon habang humihingi ng milagro sa Diyos o sa gobyerno. Hindi naman dadapo ang katuparan ng mga kahilingan sa mga nakangangang bibig ng mga taong tamad.
Sabi nga ng isang pulis na nakapanayam sa telebisyon, "Sana araw-araw may laban si Manny Pacquiao para tahimik palagi ang buong Pilipinas." At siguro, sasang-ayon ako at karamihan sa atin sa kanila. Ngunit kung ganito nga ang mangyayari, baka sa susunod na halalan, presidente na ng Pilipinas si Manny Pacquiao.
Ang Pilipinas nga naman, puno ng kababalaghan. Nakakatuwa.
Tumawa ka na lang. Baka sa pagtawa mo, malaman ng iba na nakakatawa na sila.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment